Ngayong araw ay ginugunita natin ang Constitution Day, ang araw kung kailan niratipikahan ang kasalukuyang Saligang Batas tatlumpu’t pitong taon na ang nakakaraan.
Sumisimbolo ang Konstitusyon sa katatagan, pagkakaisa, at kalayaan ng ating bansa, gayundin sa ating pagnanais ng isang masagana at mapayapang kinabukasan para sa lahat.
Ngunit nakakalungkot isipin na ang usapin sa Konstitusyon ay nagdudulot ng matinding hidwaan sa pulitika, at tayo’y nangangamba na mauwi ito sa pagkakawatak-watak natin bilang isang bansa.
Ang isyung ito ay dumadagdag lamang sa napakaraming problema ng ating bayan ngayon. Mataas pa rin ang presyo ng mga bilihin. Hindi pa rin nakakabuhay ang sahod ng mga manggagawa. Laganap pa rin ang korapsyon.
Sa ating mga kapwa lingkod-bayan: unahin natin ang kapakanan ng mamamayang Pilipino at huwag na tayo dumagdag sa mga problema nila.
Tumalima din tayo sa tamang proseso at huwag natin suhulan ang ating mga kababayan para lang suportahan ang alinmang pagkilos. Respetuhin natin ang kakayahan ng mga Pilipino na mag-isip at magdesisyon.
Imbes na magbangayan, magtulungan tayo para itaas ang antas ng buhay sa ating bayan.



