Kalahating taong absent si Senador Ronald “Bato” dela Rosa bago nagpakita noong Mayo 11, 2026 upang bumoto sa pagpapalit ng liderato ng Senado.
Kada buwan, higit-kumulang PHP 300,000 ang tinatanggap niyang sahod. Tinatayang aabot sa PHP 2.1 Milyon na ang natanggap niya sa loob ng 7 buwan ng pag-absent.
Sa mga manggagawang Pilipino, umiiral ang “no work, no pay.” Kung ginawa ito ng ordinaryong empleyado, sa gobyerno man o pribadong sektor, siguradong papatawan siya ng suspensiyon o pagkatanggal sa trabaho. Bakit tila iba ang batas kapag makapangyarihang opisyal ang sangkot?
Hindi katanggap-tanggap ang ganitong klase ng pagtalikod at pagpapabaya sa atin na pinapasahod ng taumbayan, habang araw-araw na humaharap ang ating mga mamamayan sa kahirapan, mataas na presyo ng bilihin, at krisis sa kabuhayan. Malaking insulto ito para sa milyon-milyong Pilipino na nagsisikap at nagtitiis upang maitawid ang kanilang mga sarili at kanilang mga pamilya.
Nananawagan kami sa ating mga senador: ang Senado ay hindi dapat maging kanlungan ng absenteeism at pagtatakipan. Hindi dapat pinoprotektahan ang isang halal na opisyal na umiiwas sa kanyang mga responsibilidad habang patuloy na tumatanggap ng sahod mula sa taumbayan.
Ang mga mambabatas mismo ang dapat manguna sa pagsunod sa batas. Lalo na ayon sa diwa kung bakit nilikha ang mga batas: para sa pananagutan, integridad, at kapakanan ng sambayanang Pilipino.



