Mariing kinokondena ng Mayors for Good Governance ang pinakabago at pinakamalalang insidente ng panggigipit ng China laban sa Pilipinas sa West Philippine Sea.

Ayon sa mga ulat, nasa walong sundalo ang sugatan, kabilang na ang isa na naputulan pa ng daliri dahil sa panggigipit ng China Coast Guard.

Malinaw sa ating lahat ngayon: hindi na makatao at lalong wala na sa international rules at order ang ginagawa ng China. May mga nasaktan na at ang kinakatakot natin ngayon ay mas lumala pa ang mangyari sa ating mga kababayan.

Tinatawag natin ang pambansang pamahalaan na panagutin ang mga nagkasala at protektahan ang ating mga kababayan mula sa mga panggigipit ng China. Gayundin, kaisa nila tayo sa patuloy na paggigiit ng ating karapatan at soberanya sa West Philippine Sea.

Ito ang panahon upang magkaisa tayong lahat para sa soberanya at kabuhayan at kaligtasan ng ating mga kababayan. Malaki man ang ating kalaban, ang mahalaga’y nasa tama ang ating paninindigan.


SHARE THIS ARTICLE