Ipinapahayag ng Mayors for Good Governance ang buong suporta at tiwala sa ating mga convenor na sina Marikina City Mayor Marcy Teodoro, at Pasig City Mayor Vico Sotto, at gayundin kay Iloilo City Mayor Jerry Treñas.

Ang mga isinampang reklamo laban sa kanila sa Ombudsman ay pagkakataon upang lumabas ang katotohanan at malinis ang kanilang mga pangalan. Ngunit hindi natin isinasantabi na ang mga ito ay pamumulitika at panggigipit sa kanila lalo na’t pumapalapit na ang Filing of Candidacies para sa Halalan 2025.

Bilang isang samahan na isinusulong ang mabuting pamamahala at paglaban sa katiwalian, palagi namin pinapahalagahan ang transparency at accountability. Ang tatlong alkalde ay nagpamalas at patuloy isinasabuhay ang mga prinsipyong ito.

Umaasa kami na magiging patas ang imbestigasyon at sa huli, ang tama at mabuti ang mananaig. Patuloy tayong titindig, lalabanan ang mali, at isusulong ang ikabubuti para sa mga Pilipino.


SHARE THIS ARTICLE