Kasama ng sambayanang Pilipino ang Mayors for Good Governance (M4GG) sa panahong humihina ang tiwala ng publiko dahil sa malawakang iskandalo ng korapsyon. Ang galit at pagkadismayang nakikita natin sa buong bansa ay totoo at may sapat na dahilan. Kapag ninanakaw ang pinaghirapang buwis ng taumbayan, kapag patuloy na naghihirap at namamatay ang mga Pilipino dahil sa substandard at ghost projects, at kapag hindi magawa ng mga institusyon na umaksyon agad, ang tunay na naghihirap ay ang ating demokrasya at mga komunidad.
Naninindigan at nananatiling mariin ang M4GG: ang sinumang sangkot sa korapsyon ay dapat managot, anumang posisyon o impluwensya ang mayroon. Ang pananagutan ay dapat mabilis, independiyente, at nakabatay sa katotohanan. Hindi ito dapat mag-urong-sulong, at hindi dapat may kinikilingan.
Kasabay nito, mariing tinututulan ng M4GG ang anumang extra-constitutional na hakbang o pagtatangkang magdulot ng destabilisasyon. Hindi maaaring gamitin ang galit sa korapsyon bilang dahilan upang lampasan ang Saligang Batas o ilagay sa panganib ang katatagan ng bansa.
Malinaw ang dapat tahaking direksyon: harapin ang mali nang may tapang, itaguyod ang katarungan sa pamamagitan ng tamang proseso, at pangalagaan ang ating demokrasya mula sa pang-aabuso at kaguluhan.
Nananatiling isang malaya at matatag na tinig ang M4GG para sa integridad at pamamahalang nakabatay sa Konstitusyon. Sa panahong ito ng pambansang krisis, nananawagan kami sa lahat ng pinuno at mamamayan: ayusin at linisin natin ang ating bansa, at ibalik ang tiwala ng publiko. Hindi sa pamamagitan ng dahas o pananakot, kundi sa pamamagitan ng katotohanan, pananagutan, at pagrespeto sa ating Konstitusyon.

SHARE THIS ARTICLE