Sa kabila ng mga hidwaan sa pulitika at kontrobersiya sa Charter Change sa pamamagitan ng People’s Initiative, nananawagan ang Mayors for Good Governance na tuldukan na ang mga alitan na pilit na isinasantabi ang hinaing ng taumbayan.

Sa ating mga mambabatas sa Senado at House of Representatives: sa tindi ng kahirapan ng ating bansa ngayon, mas kinakailangan natin na magtulungan at magkaisa upang resolbahin ang mga ito. Ang ingay ng mga kumakalam na sikmura at daing para sa mas maayos at agarang serbisyo ay mas matimbang kumpara sa ingay ng pulitika.

Bilang mga Mayor, personal naming nararanasan ang epekto ng mga isyu sa lipunan at ekonomiya sa aming lokal na pamahalaan. Araw-araw naming inaaksyunan ang pagbibigay solusyon sa hinaharap ng ating mga komunidad: kahirapan dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin, mahinang sistema ng pangkalusugan, kakulangan ng trabaho, krisis sa transportasyon at edukasyon. Patuloy pa rin lumalaganap ang korapsyon – perang napupunta lang sa bulsa ng iilan, kaysa sa tunay na pangangailangan ng mamamayan.

Bilang mga alkalde’t lingkod bayan, naniniwala kami na malayo ang ating mararating kung pipiliin nating magtulungan at magkaisa, imbes na maging mapanghati na hindi nakatutulong sa pag-unlad ng bayan. Sa pamamagitan ng maayos na pag-uusap at pagtutulungan ng mga opisyal ng gobyerno, maaaring masolusyunan ang mga suliranin ng ating bansa.

At para sa ating mga kababayan: patuloy tayong maging mapagmatiyag at itakwil ang alinmang mga gawain na magpapalala sa korapsyon at pang-aabuso sa kapangyarihan. Huwag tayo magpagamit sa mga may pansariling interes at magpalunod sa walang saysay na mga ingay. Patuloy lang tayong manalig na may pag-asa pa sa ating bansa.

 


SHARE THIS ARTICLE